Ang estado ko ngayon sa buhay e ganito, tulad ni Lebowski sa pelikulang The Big Lebowski. Walang trabaho.
Yung huling dalawang buwan na dapat kong suswelduhin e hindi ko na sinweldo bilang kabayaran sa kontratang hindi ko na tinapos. Itago na ninyo ang tissue ninyo dahil malalampasan ko ito.
Shet. Wala kang trabaho? Kalungkot mo siguro, no?
Kung matagal na ninyo akong kilala o kaya kung ang pangalan mo e Owen, Error, Otibs, Arthur, Jet, Vic o pareho tayo ng apelyido, alam ninyong kaya kong mabuhay sa ‘hindi maluhong paraan’.
Backgrounder para sa mga taong ini-add ako sa friends list nila dahil gusto nilang umabot sa 300 ang nakalista sa friends list nila na akala e mababasa pa nila lahat ng kaganapan sa mga taong nakalista ( _____ added new friends/ photos, updated their profile) na sa totoo laang e hindi naman, e ibabahagi ko ang mga kwento ng "hindi maluhong lifestyle" ko noon.
Noong ako e nasa UST pa at nakaenrol para magmukang meron akong ginagawa sa buhay ko e nangarap akong bumili ng electric guitar para makapagbanda.

90s ito kung saan tatlo sa lima mong kaibigan e nagbabanda. Umaayon sa akin ang schedule ko nood dahil meron akong dalawa o tatlong araw na pipwedeng kumain ako sa amin ng late breakfast, pumasok sa eskwela, umuwi at kumain ng late lunch pero hindi sobrang late na magkakaulcer ka naman. Tanging pamasahe laang ang ginagastos ko nun. Tatlong piso mula Tanza hanggang Noveleta, P7.75 ang regular na bus mula Noveleta hanggang Harrison Plaza kung estudyante, at P3 mula HP hanggang UST. Total nito times two e P27. P100 yata baon ko nun nakaktipid ako P63 sa mga araw na yun.

Hindi na rin ako bumibili ng kendi dahil nakakahingi naman nito sa kaklase.
Kaso, nabago ang schedule dahil merong isang prof na nagpago ng schedule. Sira ang diskarte ko sa pagtitipid kaya’t sa pinakamaabot ng aking makakaya e nagsinop ako sa tanghalian. Ito e sa panahong irregular student na ko kaya hindi ko na kasabay kumain ang mga kaklase ko. Mag-isa na laang ako at wala akong kahihiyaan kung pangdukha ang ilalaman ko sa tiyan ko.
Ang pinakamurang makakain mo e kalahating order ng munggo at kanin. Yun ang kinakain ko pag M-W-F.
Bakit M-W-F pa? Bakit hindi pa sagarin nang isang buong linggo.
Kuripot ako, pero hindi makapal ang muka. Ayokong tuwing papasok ako sa kainang iyo e ibubulong ng tindera sa kapwa tindera niya e, "Ayan na si Munggo." Binigyan ko ng layaw ang sikmura ko sa pagkain ng ibang kalahating order na ulam. Hindi ko dati gusto ang munggo, pero dahil lagi kong kinakain e halos naging paborito ko na rin.
Teka, nabili mo ba ang electric guitar mo?
Hindi rin. Naisip ko bakit pa maggigitara, e pwede ka namang magpahaba ng buhok, maglakas ng loob na kumanta kahit alam mong walang kwenta ang boses mo at daanin na laang sa ‘attitude’. Nasa banda ka na rin nun, napapaniwala mo ang sarili mong kaya mo ring gumawa ng kantang tulad ng mga kantang ginawa ng paborito mong mga banda at paminsan-minsan e makukumbinsi ang mga kaibigan mong bumili ng tiket at manood sa isang basketbol court na ang tanging laman e mga kapwa mo banda at mga kaibigan nilang walang banda’t umaasang magkabanda pero wala.

Nasa larawan: Akong mahaba ang buhok. Kung walang pambili ng electric guitar, magpahaba ng buhok para maisalang sa stage. Umepek to nung 90s. Ewan kung pwede pa ngayon. Ngayon yata e magsuot ng baggy pants at matutong magmura.
Balik tayo sa ngayon kung saan ako merong bahagyang salaping natitira mula sa kinita sa pagtuturo sa ibang bansa at ilang limang pisong barya na inipon ko dati at muntik nang malimutang nag-eexist pa pala. Ang mga ibabahagi ko e mga tip kung paano mamuhay nang masaya. Kung ikaw e nagbabasa nito dalawa lamang ang dahilang nakikita ko:
- Meron kang trabaho at binabasa mo ‘to sa oras ng trabaho mo na maituturing na pandedehado sa employer mo, pero wala kang pakelam dahil nakakaurat ang oras na ‘to kaya ka nagbabasa. Ibig sabihin, nag-aaksaya ka ng oras, oras na binabayaran sa iyo ng employer mo, at ang oras na ‘to masayang man sa pagbabasa nitong blog ko e bayad naman. Kumpara sa paglalaro ng Twistext e napili mong ito ang pag-aksayahan ng oras.
- Wala kang trabaho kaya’t nararapat laang na mabasa mo ‘to para malubos mo ang kokonting perang nahihingi mo sa kung kanino mo man ito hinihingi.
Ngayon, binabasa mo pa rin ito dahil isa ka sa dalwang nabanggit sa itaas. Kauna-unahang dapat mong matutunan ay ang Sikreto sa Masayang Buhay.
Ano ang Sikreto sa Masayang Buhay? Ibig mong sabihin e natuklasan mo ang napakahalagang bagay na ito na pinag-aralan ng mga pilosopo’t mga psych major at kung sinu-sino pang mga reliyoso?
Hindi ko inaangkin ito bilang isang ideyang lumagapak sa kukote ko na parang mansanas sa ulo ni Newton. Malamang e napulot ko ‘to sa Budismo.
Ibig mong sabihin e mag-aahit ako ng buhok at uupo sa ialim ng puno habang pinagmamasdan ang lumalagsalas na agos ng ilog at nagmemeditate para sumaya?
Hindi. Naniniwala ang mga Buddhist at Hindu sa reincarnation kung saan ang tao e patuloy na mamamatay at mabubuhay muli hangga’t hindi nila nasusumpungan ang katotohanang ilusyon laang ang buhay sa mundo, na ang kasakiman o paghahangad mo sa mga bagay na materyal ang magdudulot sa ‘yo sa cycle na pagkamatay at pagkabuhay.
So para palang Matrix laang ang lahat at si Neo ang kaligayahan?
…? Kung sa gitna ng kung fu arts at camera gimmickry e nakita mo ang reliyosong tema ng pelikula e alam mo na ang sinasabi ko. Ganito yun: Habang ikaw ay naghahangad sa materyal, lalo kang magagahaman, lalo kang hindi sasaya. Meron kang sampung piso ngayon, pero gugustuhin mong magkaroon ng onse pesos. Kung meron kang P56565986054870 e gugustuhin mong magkaron ng P56565986054871. Saan matitigil ang lahat?
Inihahain ko ang dalwang rule sa Sikreto sa Masayang Buhay.
- Tanggalin ang paghahangad sa katawan
- Maging kuntento
Sino ba ang hindi sa masaya sa mundo? Yan ang mga trabahador na gumagawa ng mga plakard na merong naksulat P125 accross the board wage hike. Yan e ang mga taong nakikihalubilo sa mga libu-libo o milyong estranghero sa isang liwasan para makinig sa isang Mike Velarde na nangangakong pupunan ng Dios ang kanilang kamalig nang "siksik, liglig at umaapaw". Yan e ang mga taong naririnig mong reklamo nang reklamo sa kanilang trabaho, pero nag-aaksaya naman ng oras sa pag-iinternet sa oras na bayad ng kanilang empleyado.

Subukan natin ito sa ilang sitwasyon: Gusto mo ng kotseng magara para makagala at magka-chicks na hindi mo makukuha sa pamamagitan laang ng personalidad mo.

Rule number 1. Huwag maghangad. Huwag ka nang maghangad na magkakotse at magkaroon ng ganoong chicks.
Sundin ang rule 2: Pagtyagaan mo na laang ang kasalukuyan mong GF na pag ngumuya ng Value Meal sa Jolibee e nakabukas ang bibig.
Paano ka sasaya nun sa ganun?
E kaya nga itetrain mo ang sarili mo sa mga ganoong kundisyon. Tingnan natin ang pinag-uugatan ng lahat. Bakit ka ba hindi masaya sa ganoong sitasyon mo? Yun e dahil naghahangad kang magkakotse at magka-chicks na hindi mo makukuha kung aasa ka laang sa personalidad mo. Wala ka namang problema dati sa GF mong papasukan ng langaw ang bunganga tuwing ngumunguya. Narealize mong meron palang mga babaeng nakatikom ang bibig pag ngumunguya. Ngayon, naisip mo na sa personalidad mong tumitigil sa pakikinig ang babae sa ikalawang pangungusap ng pagkukwento mo ng buhay mo e tanging magarang kotse lamang ang makapagbibigay sa iyo ng tsansang makakuha ng babaeng nakatikom ang bibig. Dun nagsisimula ang paghahangad mo. Dun nagsisimula ang pagkabigo. Walang taong walang inaasinta ang sumasablay at nabibigo.
Tanungin kita, naiiinggit ka ba sa taong kumakain ng Haagen-Dazs? Sa ngayon malamang hindi dahil baka nga hindi mo alam na ang Haagen-Dazs e ice cream. Pero sa oras na ikaw e maghangad ng Haagen-Dazs at hindi ka na kuntento sa Dan Eric’s mo, dun ka na hindi sasaya.

E di magsumikap sa buhay para makabili ng Holden Gas.
Tapos, malalaman mong meron palang tatak na mas malupit pa ang lasa kesa doon. Hahangarin mo uli yun. Hindi ka na sasaya dahil lagi kang maghahagad. Iyon e kung magtatagumpay sa pagsusumikap mo. Kaya’t ngayon pa laang e putulin mo na ang paghahangad mo at makuntento sa Dan Eric’s na mabibili mo sa kanto. Masarap rin naman yun.
E di kung lahat tayo e mag-iisip ng ganito, e di ang buong nasyon natin e hindi na aasenso. Maghihirap ang ating bansa.
E di maghirap kung maghirap! Kahit ba mahirap ka e kung masaya ka na naman sa estado, bakit mo poproblemahin ang paghihirap. At ikaw ang me sabing ang bugong nasyon e maghihirap. Ano pa problema mo e lahat kayo e mahihirap na? E di wala ka nang kaiinggitan.
Sa susunod e tatalakayin ko ang pamumuhay ng hindi gaanong maluho nguni’t masaya na rin.