Archive for July, 2006

ang paglipad patungong singapore

Monday, July 31st, 2006

Ngayon e pupunta ko ng Singapore. At dalwa laang kaming lalakad ngayon. Pinaghiwa-hiwalay ng lakad kaming sampung nag-Penang para madali laang humanap ng sub sa school. Hindi ko alam kung maganda ‘to o hindi. Maganda dahil wala ‘yung mga pumeste sa lakad namin sa Penang, kaso si Jun laang kasabay ko. Hehe.

Kumakapal na buhok nun, parang Wolverine na. Tulad ng problema ko noon na baka hindi kami magkaintindihan sa instructions, e inaalala niyang hindi masunod gusto niya. E sa Singapore e nag-iinggles mga tao. Sabi ko, “Dun ka na laang magpagupit para Ingglisan.”

Tapos, iiwan ko sa parlor. Ayos na plano.

ang penang trip

Thursday, July 27th, 2006

At tulad ng inaasahan e maganda naman ang Penang, Malaysia. Kung galing ka ng Medan, Indonesia, lahat magiging maganda na rin sa ‘yo kahit papano. Kumbaga e sasarap na rin ang matigas na tinapay sa taong gutom. Seseksi na rin si Dabyana sa bagong layang presong hayok sa laman. Magiging nakakatawa na rin si Ruby Rodriguez at Dennis Padilla, kung laging itong sansinukob laang ang binabasa mo sa oras ng trabaho mong bayad ng employer mo, sa computer na binili ng kompanya sa layuning makapgtarbaho kayo nang ayos.

Ang hindi maganda sa pangyayaring ito e ang ilan sa mga kasama ko. Sampu kaming pumunta run para sa modus na ibalik sa zero ang aming 30 days na expiration sa visang pangturista. (Tang nang Medan ba namang ‘to e tinuturista pa?)

So sampung tao yun na na merong may iba’t ibang personalidad. Nung nagtu-tour nga kami ng mga jols (tawag naman si barkada namin, parang ‘tol na ginawang jol) ko sa Norte ng Pilipinas, nagkakabad tripan pa, ito pa kayang malaki ang mga agwat sa age bracket, waist line, reliyon, at taste sa music na ngayon laang nagkasama-sama?

Nasa larawan: Ilan sa sampu.

Nasa larawan: Isa sa sampu. Harap to ng mall nila.

Ayoko namang ikwento ang mga pagkabad trip ko sa buhay sa byaheng ‘to dahil baka magmukang tsismisan ‘tong sansinukob ni lupisan. Basta paikliin na laang na merong mga tanga’t insensitive na mga taong hindi pinanganak para bumiyahe kasama ang mga adventurous na tulad ko na sumira sa lakad ko.

Pero, hindi naman lubusang bad trip ang lahat. Kumbaga sa natapong asukal sa garapon, e meron malinis pa yung ibabaw, kaya pwede pa ring itimpla. So dahil sa kagagawan ng isang taong umeksena’t nag-ala Famas ang drama sa kalsada ng Penang, nadelay ang aming mga gawain. Ginabi kami. Alas dos ng hapon yata kami dumating sa airpot, pero dahil sa patung-patong na aberyang dala ng katangahan at kamanhidan ng isang taong mataba na kung manamit e akala mong merong taglay na katawan ni Carmi Martin, e ginabi kami.

Ganto sana plano:

  1. Punta sa Penang Hill -kung saan sasakay ka ng ‘cable car’ sa tuktok ng burol.
  2. Punta sa Buddhist temple -na kung me napuntahan ka na dati, e wala na ring big deal. Pero dahil malapit na rin laang sa Penang Hill, e idadamay na rin namin sa lakad.
  3. Punta sa beaches sa Batu Feringhi.
  4. Bahal na. Inom o kung anuman.

Ganun sana kung nasunod ang sked. Ito ang tip sa amin ng driver ng taxing naghatid sa min.

Yung dapat sanang byahe namin sa Penang Hill kung saan dapat e makikita namin ang panorama ng Penang, e nahalihinhinan ng dilim ng alas otso ng gabi. At yung tanawin mula sa tuktok ng 830 m na taas na burol, e mga ilaw-ilaw sa lungsod. Kung kayo e nag-Tops na sa Cebu, nag-inom sa gilid ng highway Tagaytay, nakasakay na ng eroplanong gabi ang byahe, o kaya e kumain na sa Skyline, hindi na bago ang bagay na ‘to. E sa bagal ng tren, oo tren at hindi pala cable car, e malaki rin ang naubos na oras.

Kaya bitin. Sabi ko, gusto kong magdagat sa Batu Feringhi -kahit ako laang mag-isa. Ginawa ko na dati yun sa Hong Kong, yung gumalang mag-isa sa imbes na sumama sa Ocean Park. E sumama rin naman silang lahat.

Kaya dumiretso kami sa Batu Feringhi, kung saan matatagpuan ang pangturistang mga dagat.  Pero malayu-layo sa burol yung dagat e. Kaya lalong ginabi. Mga alas dose na yata kami dumating. Sabi ko hahanapin ko pa rin yung dagat. Kahit ano mangyari. Dahil hindi naman kami obligadong magsama-sama sa lahat ng lakad, e sinabi kong hahanapin ko talaga yun. Nagreklamo ang iba, lalo na yung drama queen na cause of delay. Kakapagod na raw. (Teka, sabi ko hindi ko ilalabas pagkabad trip ko rito a…) Gusto na nilang magpahinga. Basta sabi ko didiretso ko, kung me sumama e di meron. Kung wala e di mag-isa ako. E meron namang sumamang tatlo.

Libre ang pagpasok sa dagat. Dumiretso laang raw kami sa hotel lobby, at makikita namin ang daan papuntang dagat. Na siya nga naming ginawa. At ang magandang larawan ng dagat sa brochure e nahalinhan ng ganitong tanawin -dilim. Bahagya ninyo nang maaninag ang aking muka dito.

Pero okey pa rin dahil nakakatanggal ng pagod yung tunog ng mahinang pagsalpok ng alon sa dalampasigan at ang pakiramdam ng tanawin ng langit na walang mga tala at kawalan ng makikita sa dulo ng dagat (naks, literaturang Pinoy). At puti rin naman ang buhangin.

Buti na laang at kahit papano e nasakyan nung mga kasama ko ang mga trip ko kahit papano. Pinagbigyan pa nga ako ni Idel sa mga larawang ito. Sa 7-Eleven ng malaysia to. Masdan ang karatulang 24 jam (24 hours) at kung anu-ano pa. Ang weird ng pakiramdam na nakasuot ako ng uniporme ng 7-Eleven habang pumapasok sa 7-Eleven nila. Hehe.

Tapos, natikman ko rin yung pagkaing nasa ad sa Kuala Lumpur nung unan kong dating dito nung 062406, yung "lapar?". Ito e beef foldover ang tawag at mukang dito laang at kung saang Muslim na bansa laang at merong mga fetish sa sibuyas yata nabibili. Okey naman lasa. Pero parang mas okey pa rin shawarma.

Sa Lunes naman pala e pupunta kami sa Singapore para kumuha ng aming working visa. At hindi ko kasabay yung drama queen. Kung nagkataon, isa na laang Bingo na ko dahil tatlong beses ko na tong makakasama sa paglabas ng bansa. Hindi na namin kelangang magsinungaling pa sa mga nakakusap na Indonesians at sa imigrasi. Namputa, me nalalaman pang working visa ang mga ‘to. Kala mo namang napakalupet sa ganda ang bansa nila.

ang paglisan ng medan

Friday, July 21st, 2006

Bukas e lilipad ako palabas ng Medan. Bagama’t ganun ang pinagdadanas ko rito at pagkababano ng halos lahat ng bagay dito, e hindi pabalik ng Pinas ang destinasyon ko -Penang, Malaysia.

Ayon sa yahoo image search e ganto pala ang Penang.

E bakit naman kami papupuntahin dun? Ganto. Turistang visa kami rito. At tatlumpung araw laang ang palugit sa amin ng pamahalaang Indonesia para manatili dito. E di aalis muna kami para hindi mapaso ang aming visa. Namputa, me nalalaman pang ganun. Sa uri ng bansang ‘to, ewan ko kung merong gustong manatili rito nang mas matagal pa sa tatlumpung oras kung hindi rin laang magtatarbaho.

E di pagbalik namin e di, panibagong 30 days yun. Sagot nila ang trip na to, plus allowance. Over night laang, pero okey na rin. Pinoproseso pa kasi ang worknig permit namin (CITAS ata tawag) sa Singapore. Pag kelanangan na naming magpakita dun in person, e sagot uli nila yung trip papunta run. Kaya mga pagkalipas ng isang buwan, sa Singapore naman kami tutuloy.

Bale, bukas hanggang Linggo laang kami dun. Magkakape laang. Hehe.

ang gupit

Friday, July 21st, 2006

Isa sa mga naisip kong maidudulot na problema sa komunikasyon e yung pag magpapagupit na. Pano mo bibigyan ng instructions ang isang taong hindi kayo nagkakaintindihan sa salita?

Sabi ko e bahala na. Sign language na laang. Halos araw-araw na laang parang nagsha-charade ako dito dahil walang bahid ng Inggles ang dila ng mga ‘to. Meron pa kong co-teacher na Intsik na limitado ang kakayahang mag-Inggles kaya padagdag pa yun.

Pano ginawa ko? Tumuro ako sa electric shaver nila, sabay sabing, "Vvvvvmmmmm!" at arte na inaahit ang gilid ng ulo ko. Tapos, sabi ko naman sa tuktok e "sedikid" o konti laang sa salitang Bahasa. Minustra ko ang daliri ko na parang gunting. Hehe. Epekto? Ayos naman!

Yung barbero e nagrereklamo sa larawang nakita niya sa LCD ng kamera ko.

"Saya hitam," sabi niya na ang ibig sabihin e "ang itim ko."

Nagrereklamo pa si hijo, ekstra na nga sa sansinukob e. Ano kaya inaasahan niya, mala-Reford White na puti? 

ang becak

Tuesday, July 11th, 2006

Dito sa housing complex namin, o ang mala-Alabang Village na subdivision namin, e becak (tricyle) ang pangunahing pampublikong transportasyon. Dapat ang pasahe mula sa amin sa Block 6 Number 6 (Blok Nam, Nomor Nam) papuntang warnet e 5000 rp.

Ito ang kanilang traysikel, para kang nasa motorcade pag nakasakat ka rito. At convertible ‘to, pwedeng top down o me bubong, depende sa gusto mo, tulad nitong kami ni Jun na nagbubong para hindi gaanong magmukang MMFF.

Pero tulad ng mga pinsan nilang tricycle drivers sa atin, e gogoyoin ka nga mga ‘to ‘pag nahalata kang hindi ka Indonesian.

Ang gagawin ng mga ito e imemerry-go-round ka nila, magkukunwang magtatanong sa mga kapwa Indonesian kung saan ang numerong hinahanap mo. Be ito ruta nila, pero hindi nila alam kung saan. Tapos, sisingilin ka dahil nagpaikut-ikot na raw kayo. Sasabihin e mahal raw ang petrol. Nangyari ito nung hindi ko pa kabisado ang lugar.

Ang naisip kong paraan e magpanggap na Indonesian na pipi’t bingi. Yung tipong nakasulat laang sa papel yung blok nam nomor nam para ihatid ako run. Kaso, hindi ko magawa dahil lagi ko ring kasama si Jun pag nagwawarnet kaya nagtatagalog kami run.

note: Sa panahong nakumpleto ko na tong entry e kabisado ko na rin ang lugar kaya hindi na kelangan ng ganung gimik.

ang mga produktong indonesia

Sunday, July 9th, 2006

Payo sa akin e magdala raw ako ng mga sabon, shampoo, deodorant, etc. sa pagpunta ko sa Indonesia dahil bano raw mga produkto rito. Pero dahil kakain laang ng puwang sa bagahe yung mga iyon e hindi na ko nagdala.

Noong isang araw e bumili ako ng pang-ahit sa isang maliit na grocery dito. Bukod sa presyo (1200 rp laang kasi) bilang batayan, e pinili ko yung single-blade na pang-ahit. Ganito ang ginagamit ko sa Pilipinas. Ang pinagkaiba laang ng binili ko rito e, pula itong sa Indonesia. Dahil hindi namn ‘to sapatos, e aanhin ko ang kulay ng pang-ahit na ‘to. Ibang usapan na siguro kung pink, dahil baka magmukang sex toy yun.

Kamputa, parang cheese grater ang nabili ko. Sugat-sugat ang muka ko e, parang yung sa Gilette komersyal sa komiks kung saan si Elias (yung karakter) e nagmukang ginulpi dahil sa sugat niyang natamo sa pag–aahit ng hubad na blade(tanging kasing-edad ko na nagbabasa ng mga tagalog na komis na laang siguro ang makakaintindi ng reference na ‘to).

Ang talagang ginagamit kong deodorant e Axe o Rexona. Pero mas gusto ko ang Axe (libre plug ang hayup), kasi mabango ‘to. Pwede mo ngang i-roll sa leeg mo tong roll-on na ‘to sa taglay nitong halimuyak. Wala akong nakita sa grosering yun. Ang binili kong roll on, ang tanging tatak na kilala ko. Yun kasing iba e mga Indonesian brands, na kung makikita ni Etey e tatawagin niyang "Gawa sa Tejero" dahil parang project ng mga taga-CCAT (na ngayon yata e CSU na tawag). Ang tatak ng binili kong roll on -Gatsby. Ano yun, pomada? Kamputa naman. Yun na binili ko. Nung ginamit ko, kamputa, amoy Ginebra.