Archive for April, 2006

sinesinukob #12: v for vendetta

Monday, April 24th, 2006

(Medyo matagal nang nangyari ‘to. Marso pa. Medyo nangungulelat ako sa "deadline" ng mga napapanood kong pelikula.)

Katulad ng Sin City e matagal ko ring hinintay na mapanood ang V for Vendetta. Galing rin ito sa komiks. Hindi man ako ganoon kapamilyar (sa level ng isang geek) ng komiks na ‘to e inaabangan ko rin ito dahil maganda yung istorya at art nito.

Kaya nung ito e lumabas ng sinehan e niyaya ko si Meina na manood nito. Kaso…

"Hindi pwede. Kamamatay laang ng lola ko. Hindi ako papayagang manood. Bawal kasing manood ng sine ‘pag may patay. Bawal magsaya. Wala pa ngang nine days," sabi niya sa ‘kin.

"Bakit bawal? E bakit nanonood kayo ng TV? E di ba nood rin yun? E di ba pagsasaya rin yun?" sagot ko.

"Basta, magagalit si Mommy."

"E di ba nanonood rin ng TV Mommy mo. E di dapat e bawal rin yun."

"Basta sundin mo na lang. Tradisyon yun e. Paggalang sa patay yun."

Ako pa ang sasabihan tungkol sa respeto tungkol sa pag me patay. Patunay laang na nagrerespeto ako sa mga namamatay at pagbibigay ng parang tribute sa kanila (Richard at Eddie for example), tulad ng ilang entry ko rito. Mas alam ko pa nga ang detalye ng gusto kong burol at libing para sa sarili ko kesa sa kasal (hindi naman sa merong nalalapit pero wala pa rin talagang hugis ‘to).

"Hindi naman ako kontra sa tradisyon pero dapat e consistent ang pagsunod rito. Kung bawal manood ng sine, e dapat bawal ring manood ng TV dahil pareho namang nood laang yun. Kung nanonood sila ng TV at nagtatawanan pa sa kung anumang lokal na sitcom sa Kili-TV ng GMA, dapat e pwede rin tayong manood ng V for Vendetta. Ibig mong sabihin pwede kang manood sa 21" o 30" TV, pero hindi ka pwedeng manood ng palabas sa isang kasinglaki ng kisame na screen? E kung ang TV mo e malaki, tipong giant screen, bawal rin ba? E kung mayaman ka at kasinglaki ng screen sa sinehan ang TV mo, bawal rin bang manood? Ano ba ang cutoff pagdating sa laki ng screen na pwedeng panoorin pag me patay?"

Ito ang aking punto.

Pwede ‘to (TV size kunyari).

Pero hindi pwede to (sine size kunyari) dahil malaki.

"E basta bawal sa ‘min yun. Bawal ngang magsaya."

"E bakit sila nagparty noong mga Couples for Christ mismong araw na namatay ang lola mo?"

Ang sinasabi ko rito e yung malareunion nilang salu-salo kasama ang Couples for Christ na kinabibilangan ng mga magulang niya. Naiset na yung reunion na yun sa araw na yun mga ilang araw na ang nakakaraan. Pero sa kasamaang-palad e sa araw na naiset na yun bumalik sa Lumikha ang nanay ni Iron Chef.

"Naiset na kasi. Hindi na maiurong."

"Anong klase kayang mga Couples for Christ yun? Hindi ba nila naiintindihan na namatay ang nanay ng Daddy mo? Kaiinsensitive naman."

"At saka hindi party yun. Praise yun."

"Panong naging praise yun? Sino sa mga yun habang lumulunok ng pagkain ang naiisip na Dakila ka Panginoon? Pano kaya naging praise yung nagkakaina’t nagkukwentuhang Couples for Christ? May nag-inuman pa nga dun e. Nagdasal laang naman sila noong bago kumain. Tapos party na."

"Praise nga yun."

"Anlabo. Ibig mong sabihin, ‘pag Couples for Christ ang nagtipon at merong ginawa, basta nagdasal kahit na Bless Us O Lord lang, praise yun? Pero kung ako, si Oslac, si Champion, at Twisted Red Cross, inumang basta laang? Anlabo."

"Basta. E ganun sa ‘min sa Chinese"

"HINDI NAMANA CHINESE ang Mommy mo. At saka bakit meron kayong ganyan? E bakit nung patay ang Tita ko at sinabi kong bawal mag-ahit pag me patay, sabi mo wala nun sa Chinese? E sa Chinese ko nga nakuha yun, ke Brian Ong. Nung namatayan rin siya dati, hindi nag-ahit yun. Bakit selective ang pagsunod ninyo sa tradisyon? Testingin mo na laang magpaalam sa Mommy mo."

Umepek ba noong nagpaalam siya? Ginamit niya yung mga argumentong sinabi ko tungkol sa screen. Pumatok kaya? Hinde.

Friday yun. Pagdating ng Sunday nanood kami. Oo, wala pang nine days rin nun at bawat minutong merong gumagalaw na pictures sa screen e tuwang-tuwa ako na para bang bawat eksena e in-your-face.

"Guess what. Nanonoood ako ng sine na wala pang ikasiyam na araw."

Para tuloy akong nanonood ng nirekord na Voltes V episode sa Betamax sa panahong pinagbawal ito ni Marcos.

Eksena sa V for Vendetta. Kinalbo at kinulong siya ng hindi kilalang tao, na akala niya e mga taga-gobyerno. Matapos makulong ng ilang araw/ linggo si Evey (Natalie Portman) e nakalaya siya noong nagapi niya ang kanyang takot. Sa pagkakakulong niyang yun e nagawa niyang mag-ahit ng buhok sa kili-kili para malibang.

Kala mo namang iintindihin pa ng patay yun. Ika nga ni George Costanza sa The Pony Remark sa Seinfeld, "Eto namatay ka’t nakikita mo na ang sikreto ng daigdig, iintindihin mo pa bang meron kang kamag-anak na sa halip na pumunta sa libing mo magbe-baseball?" O something na parang ganun.

Nagtanung-tanong ako ng ilang pang mga tao. Wala naman ni isang me alam ng tradisyong yun na bawal manood ng sine pag me patay. Ika nga ni Clyde Rebadulla:

"Di ba ang mga tradisyon e mga nakagawian noong araw pa. Mga panahon pa ng mga ninuno natin. Yun ang mga tunay na tradisyon, di ba? Kelan ba naimbento ang sine? 1920s ba? Ibig sabihin yang tradisyong iyan e inimbento lang at idinagdag dahil wala namang ganyan dati."

Teka, kung ikaw ang namatayan ng lola manonood ka pa rin ba?

1. Oo dahil walang ganung tradisyon sa ‘min.

2. At kung meron man at nalaman kong nagpaparty rin sila at nanonood ng TV, e manonood pa rin ako dahil nagset sila ng precedent.

ang inesel

Wednesday, April 19th, 2006

Meron pa bang silbi ang loyalty sa brand na kinakainan mo? Malamang e alam na ninyong malaki ang pinagbago ng menu sa Pizza Hut. Pero essentially e ganun pa rin naman ang mga pizza kaya okey pa rin. Pero para sa isang lintek na ‘to e talagang isang saksak ni Hudas na maituturing.

Umoorder ako ng Fiesta Roast sa Kenny Rogers’ noong nalaman ko ang kahindik-hindik na katotohananang wala nang paraan sa mundong ito para makakain akong muli ng timpla ng manok na yun. Hindi ako madalas kumain rito, pero ‘pag dito ako kumain, inaasahan kong ito ang makakain ko kung hindi man yung orihinal na lasa.

"Anong ibig mong sabihing wala? Wala as in naubusan na kayo o wala as in wala na sa mundong ito na parang dinosaur?" tanong ko sa bubaeng kumukuha ng order ko.

"Phased out na, Sir," magalang na sagot ng tau-tauhang naatasang magpaliwanag ng aksyong ito ng kung sinumang namumuno ng Kenny Rogers’.

Phased out tulad ng jasmine tea sa Chowking, tulad ng rhumba sa Starbucks, etc. Kahit na hindi naman gaanong nakakapanghinayang, e nakakabuset pa ring malamang nabawasan uli ako ng option sa manok sa Kenny Rogers’. At hindi ito ang tulnay na pinagpuputok ng butse ko, kundi ito.

"Pero meron po kaming bago. Inasal."

Ha? Tama ba ang narinig ko -inasal? Kelan pa nagkaron ng inasal ang mga Kanong ‘to? Inasal? Di ba Bacolod yun (O kung anumang probinsya sa South)? Namputa, hindi nga ako kumakain ng inasal sa Bacolod Chicken, Chicken Inasal, o kung anu-ano pang brand namenun dahil LASANG LUPA ang inasal, tapos dadalhin nila dito sa Kenny Rogers’!

"Inasal? Kaya nga ko hindi sa Bacolod Chicken kumain at dito sa Rogers dahil ayoko ng inasal, tapos inasal ang ihahain ninyo? Alam ba ni Kenny Rogers ‘to?"

Malamang hindi. Aba’y anong alam nun sa paraan ng pagluluto ng manok na kung tawagin e inasal? Baka nga hindi niya mapronounce nang tama yun e.

"What the hell is chicken inesel?" marahil e itatanong niya.

At meron akong nakitang Kanong pumasok. Malamang e napakamot ang ulo niya’t nasabi ring, "What the hell is chicken inesel?"

At hindi laang yun. Nabago rin ang listahan nila ng side dishes. Meron na silang atsara. Ngayon, alam ko ang ideya ng pagpi-Philipinize ng mga produkto, gaya ng spaghetti sa McDo na tanging sa Pinas laang raw maoorder. Pero inasal? Sobrang radikal na pagbabago nito.

E ano bang pinagngingitngit mo, e di mag-original ka na laang?

Masyado na kasing nakakatanga ‘to. Kung gusto mo ng inasal (na lasang lupa), e di dun ka sa Chicken Bacolod o kung anumang pangalan nun dahil yun ang authentic na uri nun at hindi ke Kenny Rogers. Kung gusto mo ng hot at crispy e di sa KFC. Kung gusto mo ng hindi breaded, at talagang plain na lasa ng manok at walang kung anu-anong palabopk,e di mag-Max’s ka. Ganun laang kasimple, bakit binago ng Kenny Rogers’ ang manok nila? Nababano’t nahuhuli na kasi sila kumpara sa kumpetisyon. Di ba meron nga rin silang fried chicken para pangontra sa Jollibee at McDo?

Kung gayung hindi naman pala sila bumebenta nang ayon sa gusto nilang lasa, e di magsara na sila kesa yung hinahainan ako ng (lasang lupang) inasal na iniiwasan ko sa mga Baco-Bacolod na yan.

Ang poster ng bagong Kenny Rogers’. Inasal. Namputa, para ka na ring nag-Max’s o kaya e Baco-Bacolod. Pahirapan kong kinunan ng litrato ‘to dahil baka bawal.

Ang ginawa ko e kinausap ko yung bantay at nagtanong tungkol sa muffins.

"Sexy o."

Paglingon nung bantay, e kinunan ko ng picture to at sabing, "Thank you na laang."

E di sulatan mo si Mang Kenny tulad nung sinulatan mo yung Wendy’s tungkol sa Fried Breadcrumbs nila.

Sa tingin ko e hindi na mapapansin ni Mang Kenny to. Kahit siguroi lagyan mo pa ng dinuguan yung side dish, wala na tong pakelam dahil masyado siyang busy sa homosexual sky diving.

Nasa larawan: Kenny Rogers na naghohomosexual sky diving kasama ang isang hindi kilalang homosexual sky diver. Hindi ito kamuka niya laang. Siya talaga to.

ang iglesia ni dimas

Saturday, April 15th, 2006

At kahapon ang pagpapako ke Hesus sa krus. Pero sa araw na ito e alalahanin rin natin ang isa pang napako sa krus -ang pinakamautak na tao sa kasaysayan ng bibliya sa aking pananaw.

Nasa larawan: Hesus at Dimas. Kuha ko to sa simbahan ng Salinas, ang isa sa dalawang simbahang pinagbisita Iglesiahan namin. Kung natatandaan ninyo pa ang lumang estasyon ng krus e alam ninyong bagong estasyon ang estasyong ito ni Dimas. Sang-ayon ako sa pagsasama sa kanya sa bagong estasyon ng krus. Bakit? Basahin pa nang malaman mo kung bakit.

Sa tingin ko naman e alam ninyo na ang kwento ng dalawang magnanakaw/ kriminal sa kaliwa at kanan ni Hesus. Sa tradisyong Romano Katoliko ang pangalan ng lalaki sa kanan e Dimas. Si Dimas ang pinakamahusay na tao para akin. Buong buhay niya e nabuhay siya sa kasalanan pero nakarating pa rin siya sa langit bago malagutan ng hininga. Sa paanong paraan? Bisitahin natin ang berso kung saan natin mababasa ang pangyayaring ito. Makikita ‘to sa Lucas23: 39 -43. Wala ‘to sa tatlong gospel na kinikilala ng Kristyanismo -ang ke John, Mark, at Matthew.

Ang crucifixion: Mula kaliwa nakapako: Dimas, Hesus, Estas

Sa ibaba: Mga taong walang pangalan at extra laang

Sabi nung magnanakaw sa kaliwa,"Kung ikaw nga ang Dios, e iligtas mo ang iyong sarili. Idamay mo na rin kami at pumuga tayo!"

At siya e sinagot ng isa pang magnanakaw, ni Dimas, "Hindi ka ba natatakot sa Dios? Nararapat laang na tayo e mautas nang ganito. Ngunit syang walang pagkakasala e hindi para sa kanya ang wakas na ito. O Hesus, ako’y iyong alalahanin sa sandali ng iyong pagpasok sa iyong kaharian."

At sinagot naman siya ni Hesus ng, "O tunay ngang sinasabi ko sa ‘yo, ngayon pa laang, sa mga sandaling ito, e kasama na kita sa ‘king paraiso."

Hindi ba napakautak nun? Eto ka’t nagpakasasa sa buhay, nagnakaw at kung anu-ano pang kabulastugan. Eto sa tabi mo e isang taong nagsasabing Anak raw siya ng Dios. Pareho kayong malapit nang mamatay. Wala ka namang paraang tumakas dahil nakapako ka nga. Anong pinakamagandang gawin? E di maniwala na rin sa isang taong noon mo laang nakita. Malay mo tama siya’t siya nga ang Anak ng Dios (ng kung bibliya’t Kristyanong paniniwala ang pagbabasehan e oo) e di nakaswerte ka. Kung mali’t hindi naman siya ang Anak ng Dios, ano naman ang mawawala sa ‘yo? Alin ang magmukang engot na naniniwala sa isang crackpot? Ang pagmumukang engot pa ba ang iiintindihin mo sa ganoong sitwasyon?

Ang naisip ko: Ano kaya kung magtayo ako ng sarili kong relihiyon na base sa loophole na ‘to sa Makitid na Daan Tungo sa Kaligtasan. Kumbaga a precedent ‘to kaya pepwedeng i-quote tuwing kelangan.

Never mind John 3:16. Mabuhay tayo ng naayon sa ating gusto. Kung gusto mong magpakahedonista’t magsaya nang walang hanggan e siya mong gawin. Huwag mo laang kalilimutang bago ka mamatay e magsisi na parang si Dimas. Yun ang SUSI SA KALIGTASAN -PAGSISISI BAGO MAMATAY, TULAD NG GINAWA NI DIMAS. Sa ganung paraan e hindi ka nabuhay na tulad ng mga tight ass na Kristyanong nagbabawal sa yong maglaro ng bayolenteng video games, manood ng porn o art films na (me hubo ng konti), uminom ng alkohol, magsuot ng medyo maigsi, magyosi, etc. pero nailigtas mo pa rin ang kalulwa mo. At kung isasakatuparan ko tong relihiyong ito, e hindi mo na kelangan magbigay ng kontribusyon. Basta, magdala ka laang beer. Magiging parang The Man Show ang ating kongregasyon at fellowship tuwing weekend.

Mga host ng The Man Show: Adam at Jimmy

Ang relihiyong ito e tatawagin kong Iglesia ni Dimas. Ang buong paniniwala nito e gawin mo ang gusto mo basta magsisi ka sa huli. Kumbaga e hindi bawal ang chocolates basta magsipilyo ka laang bago matulog para hindi mabulok ang ipin mo.

ang magandang balita ayon ke hudas

Wednesday, April 12th, 2006

Kagabi e nanood ako ng prusisyon sa aking homewtown -Tanza. Mga eksena ito sa Pasyo ni Hesus. Isinaestatwang Senakulo ang tawag ko rito. Isa sa mga paborito ko e ang Huling Hapunan.

Ilang taon na ang nakakalipas nung pinunasan ko ng panyo at hinalikan ang "santong" ito.

Hudas -ang pangalang kinamumuhian ng mga Kristyano, ang apostoles na nagtraydor sa ating Panginoon. Ang lalaking ang pangalan e nagawa nang pandiwa na ang ibig sabihin e pagtataksil o pagtatraydor, tulad ng Hinudas ako ng best friend ko. At ayon sa isang interview sa National Geographic ang pangalan na Hudas e ilegal at hindi pwedeng ipangaalan sa bata sa Germany. Hudas, ang pangalang nagsisilbing paalala, panlibak sa mga taong nangwa-1-2-3 sa mga jeep sa karatulang "God knows Hudas not pay".

Kagabi sa National Geographic e pinakita ang pagkakatuklas at pagpapatunay na authentic ang gospel ni Hudas na nakasulat papyrus. Ang Dream Team ng Nat Geo ang tinawag para magpatunay nito at mapapabilib kayo sa husay ng mga taong ito.

Dito sa Gospel ni Hudas e pinalalabas na sa mga apostoles ni Hesus e siya laang ang me bayag na gawin ang dapat na mangyari para maisakatuparan ang misyon ng Tagapagligtas. Walang nakaintindi sa pangangailangan na traydurin si Hesus. Hindi kayang pedruhin ni Pedro si Hesus, hindi kaya ni Mateo na mateuhin ang Panginoon, hindi kaya ni Marcos na markusin ang Anak ng Dios, etc. Tanging si Hudas laang ang tumayo para ito’y gawin.

At ayun naaalala sa kasaysayan si Hudas bilang ang naghudas ke Hesus.

Pero ika nga ni Hudas as Jesus Christ Superstar, "What if I stayed here and ruined your ambition?" pano nga kaya kung hindi hinudas ni Hudas is Hesus? Matutuloy kaya ang crucifixion, ang sakripisyong kung tawagin ng System of a Down e self-righteous suicide? At kung hindi natuloy ang crucifixion, maliligtas pa kaya ang mga makasalanan?

Kelangan pa ba ng mga kontrabida ang isang apostoles na maghuhudas para malaman kung nasaan at kung sino si Hesus? Sobra bang hina ng diskarte ng mga yun na kelangan pang partidahan sila at sabihing, "Hudas, panahon na para maisakatuparan ang paghuhudas mo at pagpapako sa akin sa krus."?

ang semana santa

Sunday, April 9th, 2006

Sa araw na ito nagsisimula ang paborito kong panahon ng taon, ang paborito kong okasyon -ang Semana Santa. At sa araw na ito ang Linggo ng Palaspas.

Ito e eksena sa Jesus Christ Superstar.

"Hosanna Hey sanna sanna sanna ho! Sanna hey, sanna hosanna! "

ang paghihiwalay part 2 at marikina

Sunday, April 9th, 2006

Ang Pribilehiyo: Ang Paghihiwalay Part 2

Kanina e nakaranas na kong sumakay ng MRT na merong segregation scheme. Sa ngayon siguro e alam ninyo nang merong hiwalay na kotse (yung una) para sa mga bubae, matatanda, disabled, at mga bata. Kung hindi pa e basahin ninyo yung entry ko nung nakaraan.

At ito ang napansin ko nung sumakay ako sa Magallanes station. Sa mga taong me pribilehiyong sumakay sa unang kotse e puro bubae laang ang naksakay! Baket? Dahil kung matanda ka, bata ka, meron kang kapansanan malamang e hindi ka bibiyaheng mag-isa! Kung ikaw e five years old, sasakay ka bang mag-isa sa MRT?

E di maliit na porsyento laang ang tsansang mangyari yun. Kaya mga bubae talaga ang makikinabang nun.

Tanging mga anak na kasama ang ate/ nanay/ ninang laang ang pwede run. Mga matatandang merong chaperon na bubae laang ang pwede run. Tanging mga me kapansanang bubae ang kasama laang ang pwede. Kung yung mga bata, matanda, me kapansanan e merong lalaking kasama, sa regular sila dapat sumakay. O e di ganun rin. Sa regular rin sasakay.

"Maligaya na kayo?" gusto kong sabihin dun sa mga bubaeng lumampas na nakasakay ng unang kotse.

Bigyan ko kayo ng sitwasyon. Para mas maganda e isipin ninyo ang dalwang best friend ninyo. Isang lalaki, isang bubae. Tawagin nating Fred yung lalaki, Gabriela yung bubae. Pareho silang merong pupuntahang importante. Pareho silang manggagaling sa opisina. At dahil gusto nilang makaligtas sa traffic e mag-e MRT sila. Ang jeep e out of the question. Taxi e matatraffic rin. Ang tanging pag-asa nila sa buhay e yung MRT.

Sabay silang dumating at naghintay ng tren. Maraming tao dahil rush hour. Si Gabriela e mas mabilis nakasakay dahil hindi pa gaanong puno yung unang kotse, yung tanging pambubae, pambata, pangmatanda, at pangmekapansanan laang, samantalang si Fred e hindi makasingit sa mga siksikang regular na kotse. Hindi agad siya nakasakay.

Dumating si Gabriela sa pupuntahan niya -ang ospital knug saan naghihingalo ang ang kanyang ina. Naabutan niya ang huling ngiti’t mga salita nito bago mamaalam sa mundo.

Dumating si Fred na huli ng ilang minuto dahil hindi agad siya nakasakay ng MRT. Ang pupuntahan niya sana e ang ospital knug saan naghihingalo na ang kanyang nanay. Hindi niya inabutan ang mga huling sandali nito. Ang huling paalam nito. Ang pagkakataong mahawakan niya ang kamay nito habang namamaalam. Dahil hindi siya makasakay agad. Sana kung naging bubae siya e nakasakay siya ng unang kotse.   

Sabihin ninyo sa ‘kin kung nasan ang pagiging patas dun? Ibig sabihin ba nito e yung mga bubae laang ang me karapatang makakita ng namamaalam na ina? Na sila laang me espesyal na sasakyan para makaabot sa pupuntahan nila? Huwag na nating gawing extreme na kaso tulad nung namamatay na ina. Gawin na laang nating trabaho, okasyon, etc. Patas ba yun?

Akala ko e medyo umaadvance na ang lipunan natin pero tingnan mo, nagdedegenerate tayo sa pagkaSaudi! Anong susunod, elevator na para sa bubae laang para hindi sila makipagsiksikan sa mga lalaki?   

Marikina

Buong buhay ko e ni minsan e hindi ko naisipang pumunta ng Marikina. Wala akong dahilan para pumunta sa lugar na yun. Parang masyadong malayo para dayuhin. Kanina e dun kami pumunta ni Meina para magpasukat ng toga. Kung bakit dun pa nagpapasukat ang mga gagraduate ng PLM e hindi ko alam. Malamang e kakutsaba ng teacher o management ng school yung patahian at meron silang cut dun.

Ito ang tatlong unang pumapasok sa isip ko pag naririnig ko ang salitang Marikina.

  1. Sapatos -dahil itinuro sa atin ‘to sa mga textbook at nasa larong Demopoly ‘to (yung Pinoy version ng Monopoly) ‘to.
  2. Rape-slay na usung-uso nung panahong nanalasa ang mga pelikulang masaker ni Carlo J. Caparas.
  3. 90s death rock scene.

At parang pinalaking Sampaloc pala ang Marikina. Dagdagan mo ng mga limang bronze na istatwa. Pero okey yung sa bandang East kasi maraming puno. Bagay na bagay para sa mga tanghaling buhay tamad ang lugar na yun.

Kung ang channel 2 e Kapamilya, 7 e Kapuso, ang mga hinayupak ng tagaMarikina e merong sariling pauso -Kaangkan. Ika nga ni Etey nung tinext ko, "Hihiram lang kayo ng toga e naging Kaangkan na kayo."

ang litrato

Thursday, April 6th, 2006

Nagpakuha ako ng litrato sa Photo Odition sa Southmall noong isang gabi. Habang hinihintay kong maprint yung picture ko e me dumating na bubae. Tipong nanay. Siya yung sinundan kong kostumer nung nagpakuha ako.

Pinuputol pa pareho yung mga litrato namin at napansin niyang maitim yung tuhod ng anak niya.

"Di ba sabi ko e retokihin ninyo ‘to? Tanggalin ninyo yung itim sa tuhod," reklamo niya sa photographer.

"Kita po ba?" tanong nunng photographer.

Kitang-kita mula sa kinauupuan ko na maitim nga yung tuhod. Mga isang dipa ang distansya namin nun.

"Oo e. Ayusin ninyo ‘yan."

"Ma’am, bukas na po yan makukuha. Ayos lang po ba?"

Kasi e mag-aalas nuwebe na’t pasara na siguro yung shop.

"Naku, kailangan na ‘yan bukas kasi e. Anong oras? Alas-otso?"

Malabo. Alas dyis nagbubukas ang SM, pano yung maibibigay sa kanya.

At tumayo ako dahil tapos nang putulin ang litrato ko. Mukang nasususot na yung nanay kasi talagang maitim yung tuhod. At sinilip ko yung picture. Batang babae -mga tipong 4 o 5 years old. Nakadress. Gusto ko sanang bullshiten yung nanay at sabihing shadow lang yun sa ilalim ng palda ng anak niya. Kasi nabubuset na sa buhay yung bubae, e kelangan niyang mag-cool down. Madali laang namang bullshiten ang mga nanay. (Si Holden Caulfield yata yung orihinal na nagsabi nun.)

"Excuse me… Kung okey laang. Pwede ko po bang masilip ang litrato?" paalam ko. Mukang okey naman. Wala siyang pagtutol nung ako ay tumingin sa larawan. "Isasali ninyo ho ba yung anak ninyo sa isang contest? Beauty pageant para sa mga bata. parang Lil Miss Something…"

At tama sa tyempo, tulad ng sinasabi ni Holden, nahulog sa bitag ng pambubullshshit ang nanay. Kumislap ang mga mata niya sa narinig at sa sandaling yaon e nalimutan niyang meron siyang inirereklamo tungkol sa itsura ng tuhod ng anak niya.

"Ay hinde… hindi naman."

"Cute ho kasi. Kala ko e, alam ninyo na -beauty pageant ng mga bata."

Namputang ngiti yun -tenga sa tenga. Naawa rin ako. Pwede ko pang sundan yun ng "Mmm… ‘kala ko pangkontes ‘yan. Nagja-judge kasi ako ng mga beauty pageant ng mga bata. At ang huling bagay na aming nasisilip e ang mga maiitim na tuhod." O kung anumang medyo parang ganoon ang dating. Ika nga ni Holden, "I can go on the whole night" nung binola niya yung nanay nung schoolmate niya nung nakasakay niya sa tren. Kaso naawa rin ako. kaya umalis na rin ako.

Babies. Ni minsan e hindi ako naging fan ng mga yun. Maliit na tao laang yung mga yun e.

Galit ka sa mga babies?

Lilinawin ko: Hindi ako galit o ayaw sa bata. Bigyan mo ako ng mga 5 gang 8 years old na batang bibo’t nakakatawa at kaya kong makipag-usap at maglaro habambuhay. Pero yung mga babies? Eh. Maliliit na taong hindi marunong magsalita. Napakanipis ng mga balat na parang butiki -hindi ko gaanong gusto yung ganun. Hindi ko naman makakausap. Hindi rin naman ako nag-eenjoy na makitang ngumingiti o umiiyak yun. Kung para nga laang TV, lipat ko na ng estasyon yun.

Pero anong gagawin ko sa lipunang tuwang-tuwa sa baby?

"Ay tingnan mo tong baby ko… Etong pictures niya… Lakas umubos ng gatas niyan… Every five days bili uli kami ng gatas kasi ubos na…"

E di magpanggap na natutuwa.

sinesinukob # 11 fearless

Wednesday, April 5th, 2006

Noong una kong nakita yung movie poster ng Fearless akala ko e nagkamali laang sa translation yung mga Intsik nung sinulat nilang "Jet Li’s last martial arts movie".

Hindi kaya latest ang ibig sabihin nila? Huling pelikula man o hinde, e ayos pa ring panoorin ‘to. Pano ka magkakamali sa pelikulang kung-fu (ang generic kong tawag sa lahat ng martial arts na movies), lalo na kung ito e choreographed ni Yuen Wo Ping (yung kumana ng fight scenes ng Once Upon a Time in China at Kill Bill -o sige na nga ng Matrix)?

Pagkatapos kong manood e ito ang nasa isip ko:

  1. Totoo kayang iyon na ang huli nyang martial arts film? Paano mo masasabing yun na ang huli mo at masisiguro mong hindi ka na babalik? Parang si Michael Jordan nung bumalik. Si Mick Foley bumabalik-balik minsan para buuin ang career ng kung sino mang isabak sa kanya, tulad nitong huli laban ke Edge sa Wrestlemania 22. Ikaw nga babalik para sa isa pang cookie kahit sinabi mo nang last na ‘to, last na ‘to.
  2. Ano naman kaya ang papasukin niyang trabaho kung hindi na siya magkukung-fu sa mga pelikula niya? Parang wala akong natatandaang pelikula niya na hindi kung-fuhan.

ang paghihiwalay

Wednesday, April 5th, 2006

At ipinatupad na raw ang paghihiwalay ng mga bubae at lalaki sa MRT. Gender equa-equality, tapos e hihingi ng espesyal na pagturing. Lagi na laang panghirit ng mga feminista (gender equality activist o kung anuman ang tawag inyo sa sarili ninyo) e pantay laang raw ang mga lalaki at bubae, pero ‘pag ganyang pabor sa inyo, hindi ninyo sasabihing, "Mali ‘to. Dapat pantay-pantay tayo. Lalaki -babae, walang pinagkaiba. Dapat e patas laang. Tatayo rin kami kung huli na kaming dumating ng MRT."

Wala kayong pinagkaiba sa mga pasaherong reklamo nang reklamo ‘pag kulang ang sukli, pero kapag ang driver ang sumobra sa sukli e tahimik ninyo itong ibubulsa.

At saka teka, ano bang mensaheng ibig iparating niyan? Mahina ang katawan ng mga babae, parang mga matatanda at bata kaya dapat e espesyal na atensyon at pagturing? Ganun? Dapat sana e hindi na laang kayo bumangon sa kama ninyo at nanatili na laang kayong tulog knug mahina kayo. At saka wala namang sunog, lumulubog na barko, o kaya e gera, bakit meron kayong espesyal na pagturing?

Sa mga sitwasyong ganun na nanganganib ang mga buhay, e sige laang, inyo na ang bangka, kayo na maunang lumabas, etc. Pero itong ganitong pare-pareho laang tayong mga lalaki at babae na merong pupuntahan -trabaho, eskwela, gala, uwi, etc., bakit espesyal ang turing sa inyo? Aba e malaki ring kabawasan sa mga lalaki pagdating sa pagpipiliang upuan.

At ano naman ang sinasabi ng pangunahing femistang tibak -ang GABRIELA dito sa paghahanay sa kanila bilang mahihinang nilalang? A siguro, masyado kayong busy sa pagbubunyi sa pagwawagi ni Keanna Reeves.

Mga ipokrita. Kesyo kontra abuso laban sa bubae, kontra imperyalismo, etc. pero nakikipagsabwatan sa 100% pure evil na McDonald’s sa pagpapalabas ng Usapang Puki (Tinagalog na Vagina Monologues -lahat na laang ba lalagyan ko ng link? Dapat alam na ninyo naman ‘to kahit hindi mo pa napapanood) sa PNU.

(Poster ng Usapang Puki na nakapaskel sa PNU kung saan nakipagsabwatan ang GABRIELA Youth sa McDonald’s para magsponsor ng pagpapalabas nito)

(Pinlakaing bersyon ng nabanggit)

Gabriela? More like Crapola.