ang tagumpay ni pacquiao at ang ideya ng mga bagong bayani
Saturday, January 28th, 2006At heto na ang ating kampeong gumulpi ke Morales. Libu-libong tao ang sumugod para salubungin si Manny Pacquiao na parang bayani ng isang epiko na pumaslang sa isang halimaw na kumain ng libu-libong tao.
Siempre nakakatuwa’t nanalo si Manny. Pero sa nakita kong streamer sa Maynila, dun sa may mga rebulto nung mga Katipunero malapit sa terminal ng mga bus at FX, ang nakasaad ay "Ang Tagumpay ni Manny Pacquiao ay tagumpay ng bawat Pilipino"
Kalokohan. Tagumpay yun ni Pacquiao -oo, pero HINDI ng bawat Pinoy. Uulitin ko, hindi ako (speaking for myself) at ang karamihan ng Pinoy kasali run. Sa pagwawaging ito e limpak-limpak na salapi at kasikatan ang inani ni Pacman. Pero ako, ikaw, o kung sino mang nagbabasa nito, ano ang nabago sa yong buhay? Anong nadagdag sa atin noong nanalo siya? Kung pumusta ka ke Pacquiao laban sa kanyang mga doubters, sige, panalo ka sa isang banda. Pero ano’ng nabago? Wala.
Alin ang unity-unity ek-ek? Aba’y anong klaseng unity yung kumampi tayo ng sabay-sabay sa kapwa Pinoy? Testingin natin yan sa PBA, pag lahat e sa Air 21 kumampi e yun ang mapaghimalang unity.
Ang tanging nakuha natin mula diyan e magmumukang mahusay manggulpi ng Mexicano ang mga Pinoy. Para bang pag Intsik e magaling sa Kung Fu, pag Kano e malaki ang ari, pag Hapon e magaling sa teknolohiya. E san mo naman gagamitin ang impresyong ito? Wala namang Mexicano dito.
Ito e tagumpay ni Pacquiao. Tayo’y magsaya. Ipagbunyi natin ang kanyang tagumpay, pero huwag tayong makiangkas sa isang pinaghirapan niyang panalo. Kanino bang pakana yung streamer na ganun? Sinong me pera (o pondo?) ang nagpapagawa ng mga streamer na ganun na may nilalamang parang tunay tayong nakipaghirap para manalo siya.
Alin, sa nakatulong tayo dahil sa mga dasal natin? Kalokohan. Para ninyo na ring sinabing demonyo si Morales at hindi siya nagdasal na manalo. Kung ang mananalo pala e ang may pinakamahusay magdasal, i-fire na si Roach at kumuha na lang mga mandarasal sa simbahan ng Quiapo ala Santa-Santita.
Walang pinagkaiba yung mensahe ng streamer na yun sa ideyang ang mga Overseas Filipino Workers ang mga bagong bayani. Mga bagong bayani -kalokohan. Umalis sila ng bansa para kumita para sa sarili nilang pamilya, paanong naging bayani yung mga yun? E pansarili yung intensyon? Nagkataon lang na nakikinabang tayo sa kanilang pagtatrabaho, dolyar nila, etc. Pero hindi ako, hindi ang Pinas ang kanilang iniisip noong umalis sila -kundi sarili nila.
Hindi ko sinasabing makasarili ang mga OFWs at dapat kamuhian. Kung ikaw e napatigil sa Pilipinas ng dalawang araw malamang e iisipin mo na ring mag-abroad. At pag ginawa mo yun e hindi dahil gusto mong tulungan ang Pilipinas -yun e dahil pesteng-peste ka na sa maliit mong sinasahod, sa traffic, sa pulitika, sa klima, o kaya gusto mo ng snow, o kaya gusto mo ng mga kamelyo, o kung anumang dahilan. Pero ni isa run e hindi dahil gusto mong tulungan ang Pilipinas. Siguro merong mga konting ganoon talaga ang ginagawa ngayon, tipong nagdodonate sa paaaralang kanilang pinag-gradweytan, sa mahihirap, foundation ng kung ano, etc. Pero kung puro sa pamilya napupunta, hindi sila makasarili, sila e praktikal, pero hindi rin sila mga bayani tulad ng mga komersyal.
Tanungin ninyo na lang si Elgin na nagtrabaho sa ibang lupain kung inisip niya ang samabayanang Pilipinas.









