pinoy big bobo
Friday, September 30th, 2005
Hindi ako naonood ng mga palabas sa local channels, lalo na sa channel two. Isang gabi nakatiyempo ako ng Pinoy Big Brother, reali-TV na palabas ng mga magkakasamang taong magsasalamuha nang sapilitan. Isa sa mga challenges e obstacle course nasponsored ng Wings. Sa hulihan ng course e magdadawdaw sila ng mga damit sa tubig na me Wings. Parang naglaba, ganun. Santambak na commercial pagkatapos. Pagbalik e meron daw bisita ang mga tao ng bahay ni Kuya. Excited pa ang mga hunghang dahil sa kauna-unahang pagkakataon e me bibisita sa knailang bahay. Ang bisita –chef mula Datu Puti. Tinuruan silang magluto ng mga putaheng me sangkap ng Datu Puti products. Sino ang natutuwa dito? Aba e ADVERTISEMENT na pinilit lagyan ng kwento to e!
Bibigyan ko kayo ng isang reali-TV na ala-Big Kuya Brother na Pinoy. Gamit ang unang limang TV commercials na makikita ko sa TV e igagawa ko ng istorya ang mga house inmates na hughang. Ito ang kinalabasan:
-
Lux Super Rich Commercial: Challenge: Sila e bubuuin ng dalawang teams ang larong ito -Lux Gold at Lux Squid Black. Magsi-zigzag sa mga nakalinyang bote ng Lux Super Rich Shampoohabang nakasuot ng damit na may tatak na Lux Super Rich Shampoo ang mga house inmates. Sa dulo e isha-shampoo nila sa ulo nila ang Lux Super Rich Shampoo at isisigaw ang slogan ng Lux Super Rich Shampoo. Ang unang makatapos e panalo.
-
Colgate Triple Action: Challenge: Bubuuin ng dalawang teams ang larong ito -Colgate Blue and COlgate White. Gamit ang mga takip ng Colgate Triple Action e bubuo sila ng pinakamataas na tore habang suot ang damit na me tatak na Colgate Triple Action. Matapos ang ilang minuto ang me mas mataas na tore ang panalo.
-
Sketchers: Challenge: Magsusuot ng kanya-kanyang Sketchers na sapatos habang me suot din silang damit na me tatak na Sketchers ang mga house inmates. huhubarin nila ang kaliwa at itutumpok ang mga ito na parang bundok ng sapatos. Sa hudyat ng pito, hahanapin ng mga kalahok ang kapares ng natitira nilang Sketchers na sapatos. Ang pinakahuli e tanga.
-
Pigrolax: Challenge: Bibigyan ng tig-iisang baboy na may pare-parehong timbang ang mga house inmates (na nakasuot ng damit na me tatak na Pigrolax, katulad noong ke Nonong taga-Lungos). Aalagaan nila ito sa loob ng isang linggo gamit ang Pigrolax bilang numerong pakain sa mga baboy. Oo, isang linggo nilang isusuot ang damit na me tatak na Pigrolax, katulad noong ke Nonong taga-Lungos. Ang me pinakapayat/ pinakamagaang baboy e talo.
-
Elasto-seal. Challenge: Mag-iimbita ng mga lasing na me baril ang house ng Big Brother. Papuputukan nila ang kisame hanggang magkabutas-butas na parang Swiss cheese ang bubong. Aayusin ng mga house inmates ang bubong gamit ang Elasto-seal habang suot ang damit na me tatak na Elasto-seal.
-
Saksakan pa ng santambak na komersyal, pwede nang pang-isang linggong episodes ang mga to.
Ideya para sa reality TV. Tutal nahihilig na rin lang mga tao dito.
- Pinoy Big Barabas -Tututok ang palabas sa entire death row ng City Jail. Ang bawat ma-vote out e diretso sa electric chair. Kada linggo merong isang madededo. Isa lang ang papalaring palayain. Nasasa-kamay ng viewers kung sino ang gusto nilang makasamang muli sa lipunan at kung sinong mamatay.
- Pinoy Blind Superstar: The Search for the Next Willie Garte -naisip ko tong ideyang ito habang naglalakad sa ilalim ng LRT. E maganda ang boses ng bulag na naggigitara at kumakanta. Tutulong ka na rin lang para magka-career ang isang tao, e di bulag na. At tulad ng Pinoy Pop Superstar, mababait dapat ang judge. Panget naman kung parang mga Boy Abunda, "Hindi ka lang pala bulag, bingi ka pala. Hindi mo ba naririnig ang tono ng kanta mo? Sakit sa tenga."
- Pinoy Nurse -mga aplikanteng nurse na irereali-TV. Isa lang ang maha-hire sa States. Ang iba e luhaan. Ang mga challenges e pang-nurse, mula pag-aayos ng mesa hanggang sa pagpapalit ng adult diapers ng mga ulyanin. Patok to, lalo na’t pag inisip mo kung gaanong karaming gustong mag-nurse abroad. Nandyan na ang market.


