Archive for August, 2005

langis, kuryente, atbp.

Friday, August 19th, 2005

Tumataas lagi ang presyo ng langis. Bakit nga ba? Eto ang sagot.

Anong kalokohan tong narinig ko na wala na raw last full show ng alas nuwebe pataas? Paraan daw to ng gobyerno para makapagtipid ng kuryente dahil nasa krisis daw tayo.

Hindi ko maisip na tong mga pulitikong to e nagmi-meeting tapos e merong nag-suggest na,"Alam ko na! Agahan na lang natin ang last full show ng mga sinehan! Wag na alas nuwebe. Alas otso na lang."

Buseeet! Para nagtatarbaho at nag-aaral na nilalang na katulad ko, kelangan ko ng alas nuwebeng last full show kasi yun ang inaabutan kong oras ng palabas. Pagdating mo sa mall, kakain muna. Tapos nood. Saktong sakto ang LFS.

Bakit di lang yung unang palabas ang tanggalin? Sino bang naonood nang tanghaling tapat? E nagtatarbaho pang mga taong kelangan pang kumita para makasine. E mga estudyante dapat nasa eskwelahan. Sino ba naononood? Mga college na merong mahabang vacant bago ang susunod na period?

Buset na mga pulitiko yan. Palibahasa kegaganda ng mga home entertain system ng mga yan. Para na ring sine. Kungsabagay meron namang pirated sa Quiapo…

pagkain

Wednesday, August 10th, 2005

Kumakain kami ng penoy ni Oslac.

“Nasa Fear Factor daw ang balut,” sabi ni Champion.

“Nasa Lonely Planet rin. Sayang, hindi nga lang si Ian Wright ang host nung nagpunta sa tin,” sabi ni Oslac.

“Paano kaya unang naisip ng Pinoy na kainin ang balut? Ano yun, parang pagbukas nila ng nilaga nilang itlog e merong sisiw, kinain na rin?” sabi ni Champion.

“Parang talaba. E isipin mong mukang bato yun. Isipin mo na ikaw e sinaunang tao. Nakapulot ka ng isang bagay mula sa tubig na ang itsura e parang bato. Kakainin mo ba yun? E muka ngang bato e. Sino kaya unang nangahas kumain nun?” dagdag ko.

“Parang niyog. Napakadetermindao ng unang taong kumain ng niyog. Pag biniyak mo e di ba yung bunot muna sasalubong sa yo? Di ba dapat nasiraan ka na ng loob nun? Hindi pala nakakain to. Yun dapat ang reaksyon mo kung sinauna kang taong noon lang nakakita ng ganoong bunga. Hindi kasi katulad ng mangga. Pag tinalupan mo e obvious nang makakain. Dilaw pa kulay, mukang masarap. E ang niyog? Bunot muna. E di yung unang nakatuklas nun e nagtiyaga. Sumige pa rin sa paghahanap ng makakaing parte. Makikita niya e bao. Dapat sumuko na rin. Matigas na bagay e. Parang abukado, pag buto na, tapos na usapan. Pero hindi pa rin sumuko. Biniyak pa rin.” Kwento ni Oslac.

“At ayun, sabaw ang lumabas! Hinigop na. Okey pala,” dagdag ni Champion.

“E di dapat yun ang pambansang puno natin. Sumasagisag ng determinasyon,” sabi ko. “E mas marami pang gamit yun. Mula dahon hanggang ugat walang tapon. Parang manok. Mula ulo hanggang adidas. Pati lamgn-loob pagkain din.”

“E di manok na rin ang pambansang hayop?” tanong ni Champion.

“Isipin mo pala kung ang mga balut e hindi inabort at hinayaang mabuhay e di santambak ang mga itik sa mundo,” sabi ni Oslac.

“Oo, bawat apakan mo e itek.”

palakpak

Monday, August 8th, 2005

At sa tarpaulin pala napunta ang tigsasampung pisong aming iniambag. Sa tarpaulin e ang picture ni Ma’am nung dalaga (o nung mas bata pa sya) at ngayon. Nag-edad 60 na kasi si Ma’am at binigyan siya ng tribute. Hindi kami nagklase para parangalan ang mag-eexit na head ng CLLL.

“Hindi nagbago ang muka ni Ma’am, no?” sabi ko sa katabi ko. Hindi ko nga lang alam kung compliment yun o insulto.

Binigyan siya ng kandila bilang sagisag ng “pagbibigay niya ng liwanag sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagtuturo”. Siempre meron siyang speech-speech.

Maya-maya e pumalakpak ako. Nagsunuran lahat. Napakasarap ng pakiramdam ng ikaw ang nagsisimula ng palakpak kesa yung sumusunod ka lang pag nagpapalakpakan na lahat. Para ka na ring nakapagpauso ng fashion kase pag ikaw ang nagsimula ng masigabong palakpakan. Para ka na ring matalino kase tama yung pagpalakpak mo at nagsunuran. Par na ring meron kang idinagdag sa discussion sa klase at nag-agree lahat.

Pero ang mas masarap e yung tipong unexpected yung mga moment na pipiliin mo para pumalakpak. Pag natapos ang isang speech at ikaw ang unang pumalakpak, e walang kwenta kase talaga naming papalakpak ang mga yun kahit hindi ka ipinanganak. Kaya ang mas okey e yung mga unexpected moment gaya ng merong sinabing dramatic (kung tipong pelikula yun e papalakpak talaga ang mga tao) pero walang mag-dare na gumawa.

Meron uling sinabi si Ma’am at pinangunahan ko uli ang pagpalakpak. Ayos, nagsunuran uli ang mga tao. Pero ang mas matindi e ynug papalakpak ka sa moment na hindi talaga dapat palakpakan. Yung walang kwentang moment.

Sinasabi ni Ma’am ang gagawin niya pag retired na siya.
“I’ll be read books in the park.”

Pumalakpak ako. Malakas. Walang sumunod. Tumingin sa kin ang mga katabi ko na para bang napautot ako. Sumimple na ko ng pag-alis.

Ang pinagtatrabahuhan ko pang gawin manguna ng standing ovation. Yun ang mas astig.

peter martin

Wednesday, August 3rd, 2005

Nakita ko si ex-PBA player, Peter Martin, na tumitingin ng pirated copy ng Pacifier ni Vin Diesel.

mga pirata

Monday, August 1st, 2005

Ayos na ayos ang pagkaka-interrupt ng klase noong Sabado. Nagkaroon kami ng assembly from 10 –1 yata. Nagpa-attendance lang ako at sumibat. Bagong sweldo ko pa kaya tamang-tama para mamili ng DVD sa Quiapo.

Pagdating ko e nagtaka ako. Bakit parang tanghali na e di pa nakapagse-setup ng mga tinda ang mga tindahan. Merong konting bukas, pero karanaiwan e bukas na dapat lahat yun.

Tumingin-tingin pa ko sa ibang parte.

“Anong’ng tinitingnan mo, kung me natira pa?” tanong sa kin ng tindero.

Dun ko lang na-realize na ni-raid pala sila.

“A, nagraid ba?”

“Oo, apat na libong piraso natangay sa kin.”

Babangon uli yang mga yan. Next week, bukas uli yan.